Wednesday, February 5, 2020

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part 3

By #InsulinPlantAtbp

Habang inuubos itong tsaa na gawa sa dahon ng Insulin Plant, ituloy na natin ang pagtalakay sa kung paano gumawa ng organic soil/fertilizer. Sa pagkakataong ito, dun naman tayo sa pang maliit na version lang.

So, anu-ano ang mga sangkap na puwedeng magamit?
(Tanong mo, sagot mo. Ako rin ang sasagot siyempre, dahil ako ang nagtanong.)

@ kapirasong lupa, sabihin na nating lupa na nakalagay sa isang large na paso na namatayan ng halaman dahil di nadiligan noong may nakatanim pa tapos pinapansin na ngayon dahil may mga damo nang tumubo;

@ mga hilaw na bagay o nabubulok gaya ng pinaggulayan, pinagbalatan ng singkamas, pinagputulan ng talong, pinagtanggalan ng sigarilyas, pinagbalatan ng mani, yung mga inalis na mga dulo ng sitaw, pinagtanggalan ng bataw, ng patani, pinagbalatan ng kundol at ng patola, kasama na ang upo at kalabasa, at saka meron pa, yung pinagbalatan ng labanos, pinagtanggalan ng mustasa, pinagbalatan ng sibuyas, reject na kamatis, balat ng bawang at luya... o bakit, ano iniisip nyo, bakit kayo nangingiti?

@ yung mga damo-damo, magagamit din;

@ mga tuyong dahon at mga papel-papel (konti lang naman);

@ kung may abo, mas ok, isama rin.

Yun lang, puwede na, makakagawa na ng organic soil/fertilizer.

Kung saan paghahalu-haluin, problema nyo naman na yun a. Kung may medyo malaking trash bin na magkakasya lahat nung mga sinabi ko, puwede na yun basta may takip.

Since pang maliit lang naman, ang gawin ay paghalu-haluin lahat yung mga sangkap, pantay ang pagkakahalo, basain konti ng tubig, haluing maige, huwag basang-basa, hindi lugaw ang gagawin kundi pataba.

Kapag ok na, takpan. Huwag nang tapunan pa ng mga bagong nabubulok. Masisira ang tiyempo ng pag decompose.

Note: huwag namang tatakpan nang husto na para bang wala nang bacteria na mabubuhay sa sobrang selyado, yung nakakasingaw naman konti.

Every two weeks, silip-silipin nyo, haluin, takpan ulit. Ulit ulit lang na ganun hanggang sa makitang lusaw na yung mga nabubulok na bagay. Kapag ang hitsura niya ay parang puro lupa na, ibig sabihin ok na yun, huwag titikman --pang halaman lang yun. :-P

Image: Pipino na ginamitan ng organic soil/fertilizer.

#LalakingIpis

(Una nang na-publish noong October 25, 2018 sa fb page ng Insulin Plant, atbp. - Tarlac)

* Paki-share po kung nakatulong ang article na ito.
** Paki-like na rin ang aming fanpage (facebook.com/insulinplant.atbp) para patuloy na makatanggap ng mga updates. May iba pa pong mga babasahin na makikita rito, paki-halukay na lang konti, pagkabasa, huwag kukunin, ibalik ulit para mabasa rin nung iba.

Monday, January 20, 2020

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part 2

By #InsulinPlantAtbp

Bago pa magkalimutan, itutuloy ko na po yung pagtalakay sa paggawa ng organic soil/fertilizer. Maglalaba pa ako mamaya e.

Dun sa naunang bahagi, inilatag ko na po ang composition o mga materyales o mga sangkap na kakailanganin sa paggawa ng organic fertilizer kaya di ko na uulitin ha? Hahaba na naman ulit ito e. Gusto ko nga sana, hangga't maaari, ay matapos ko na itong maituro sa inyo ngayon.

Dun po sa version na ginawa ko para sa aking garden, gumawa pa ako ng hukay. Bandang huli ay nagsisi ako dahil ang hirap pala maghalo kapag nakahukay ang compost. Dalawa kasi puwedeng pagpilian: compost pit o compost heap.

Compost pit, nakahukay nang bahagya ang mga binubulok; compost heap, walang hukay, pinagpapatong-patong lang ang mga sangkap hanggang mabulok.

Ganito ang paraan ng pagkakayari nung ginawa ko po noon:

@ humukay ako ng isang piye o 1 foot ang lalim;

@ unang layer ay yung mga maliliit na mga sanga-sanga o mga patpat-patpat (heto na naman yung sinasabi ko e, bakit ba naguulit-ulit ang aking mga sinasabi?), diniligan agad ng tubig, hindi nilunod;

@ second layer ay yung mga hilaw na mga dahon-dahon at mga damo-damo na pinagbubunot ko sa aking pagtatamnan, isinama ko na rin yung iba pang mga nabubulok na bagay gaya ng pinaggulayan, pinagbalatan ng mga prutas, atbp., dilig ulit;

@ third layer, ay yung mga tae ng manok o chicken manure, dilig na naman;

@ fourth layer ay yung mga tuyong mga dahon-dahon kasama na rin yung mga papel-papel na pinunit-punit na napagpupulot ko na ikinalat nung mga batang makukulit, dilig ulit;

@ fifth layer ay yung mga abo na galing sa kalang de-kahoy at mga sinalang abo galing sa pinagsunugan ng basu-basura, dilig na naman;

@ sixth layer ay yung mga green ulit o mga hilaw na mga dahon-dahon, dilig;

Image 1. Pagkatapos mailatag ang second batch ng green layer.

Ulit na lang sa hanay ng mga layer kung gusto pa ng mas maraming mai-produce na pataba, nasabi ko naman na kung paano ang pagkakasalansan.


Image 2. Tinakpan ko na ng lupa, napagod na ako e.

Sa case ko po, palibhasa napagod na ako nun, tinakpan ko na. Ang pinaka final na layer ay ang ordinaryong lupa. Tapos, tinakpan ko ng plastik na malaki para di kalaykayin ng mga manok na pasaway.

Image 3. Tinakpan ng plastik para di makalaykay ng mga pasaway na manok.

Hayun na. Hintay na lang na mabulok. After 30 days, hinalo ko siya, dun ako nahirapan, kung bakit pa kasi gumawa gawa pa ako ng hukay, ang hirap magpala. Pagkatapos mahalo, ibinalik ko yung takip na plastik. After mga 30 days pa ulit, nagamit ko na yung organic fertilizer na yun.

Image 4. Sample ng nagamitan ng organic soil/fertilizer

Ang haba na naman. Paano ko pa ituturo yung pang maliit na version? E di sa susunod na naman ang bagsak. Hay...

#LalakingIpis

(Una nang na-publish noong October 24, 2018 sa fb page ng Insulin Plant, atbp. - Tarlac)

* Paki-share po kung nakatulong ang article na ito.
** Paki-like na rin ang aming fanpage (fb.com/insulinplant.atbp) para patuloy na makatanggap ng mga updates. May iba pa pong mga babasahin na makikita rito, paki-halukay na lang konti, pagkabasa, huwag kukunin, ibalik ulit para mabasa rin nung iba.

Wednesday, January 1, 2020

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part I

By #InsulinPlantAtbp


Noong nagtatanim pa po ako ng mga gulay-gulay, ako mismo ang gumagawa ng aking organic soil/fertilizer para sa aking mga pananim. At sa pagkakataong ito, gusto ko pong ibahagi sa inyo kung paano ko iyon ginagawa noon. Ito ay magagamit natin ngayon sa pag-aalaga ng ating mga #BabyLins o mga batang Insulin Plant.

Yan pong nakikita nyo sa nakalakip na picture, pang maramihan po yan kaya ganyan kalaki. Ang atin lang pong gagawin... o inyo palang gagawin, ay pang maliit na taniman lang (bakit nga ba pala sasama pa ako sa inyo e nakagawa na ako, bahala naman na kayo a :-P).

Para magka-idea po kayo sa composition niyan (dahil alam ko naman, na may nag-iisip na naman ng "naku, heto na naman 'to, ang haba na naman 'to"), iyan po ay binubuo ng:

++ mga maliliit na sanga-sanga ng mga kahoy at ng mga damong malalaki;
++ mga hilaw na dahon-dahon at yung mga damong tinanggal ko mismo sa gagawing taniman;
++ abo na galing sa de-kahoy na kalan ay sa mga pinagsunugan ng mga basu-basura;
++ tuyong mga dahon-dahon at mga papel-papel na napulot na ikinalat ng mga bata;

Teka muna, parang nahalata ko a, bakit parang naguulit-ulit ang mga sinasabi ko? Gulay-gulay, sanga-sanga, dahon-dahon, basu-basura, papel-papel... Hmmm, hindi maganda ito a, bakit naguulit-ulit? Hala! Hayun na naman!

A ba'la ka diyan! Itutuloy ko na nga lang yung sinasabi ko kanina.

++ chicken manure o mga tae ng manok;
++ mga bulate na nakita ko habang naglilinis;
++ tubig at pangkaraniwang lupa.

Ay, ang haba na naman pala... Ituturo ko pa sana kung paano inihahanda e, kaso, ang haba naman na, magrereklamo na ang mga tinatamad magbasa.

So paano yan, e di itutuloy ko na lang sa ibang pagkakataon. Di man siguro bukas, di pa rin ngayon, pangakong tatapusin din --pagdating ng panahon.

Ngya hahahaha! :-D Good morning mga suki!

#LalakingIpis

(Una nang na-publish noong October 18, 2018 sa fb page ng Insulin Plant, atbp. - Tarlac)

* Paki-share po kung nakatulong ang article na ito.
** Paki-like na rin ang aming fanpage para patuloy na makatanggap ng mga updates.

Monday, December 30, 2019

CONSTIPATION

Maaliwalas ang paligid kapag malinis at naitapon na ang mga basura; gayun din naman ang ating pakiramdam kapag...

NAKAKAPAG-BAWAS / NAKAKA-TAE NANG MAAYOS TUWING UMAGA
By #InsulinPlantAtbp


Bagaman at hindi naman gaano seryoso ang karamdamang tinatawag na "constipated", ito'y nakaka-irita pa rin kapag umatake sa atin, hindi kumportable ang pakiramdam.

Kapag tayo ay halos isang beses lang nakakatae sa loob ng isang linggo, ay, 'yan na nga ang tinatawag na constipated; kapag ang tae natin ay matigas tapos parang bilog-bilog na magkakadikit... hmm... (teka lang, kapag kulay itim yun na bilog-bilog --tae po yun ng kambing, aba'y kabahan na tayo kapag ganun ang lumabas sa atin! :-D {ano ba 'yan, may nasingit na namang kalokohan!})

Sandali! Wait lang! ...May nagagawa po kasi ang dahon ng Insulin Plant sa issue ng constipation, wait lang! Balik tayo sa topic...

Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng constipation ay ang mga sumusunod:

* kulang ng tubig sa katawan;
* kulang ng fiber ang kinakain;
* kulang ng exercise;
* epekto ng pag-inom ng ilang mga gamot gamot na nabibili sa botika;
* masyadong stressed;
* ma-alcohol ang katawan;
* sobrang inom ng mga gatas gatas;
* kulang ng exercise (nasabi na pala ito kanina);
* mahilig magkakakain ng mga processed foods; at...
* nakalimutan na (ng writer) ang iba.

Hangga ngayon ba iniisip nyo pa rin kung bakit hindi na lang binura yung pangalawang "kulang sa exercise"? --e, wala sa mood mag backspace ang makulit na writer e. :-D

So, paano maka-counter o maiiwasan ang pagiging constipated? (Para konti na lang ang maisulat...) i-reverse lang po natin ang ilan sa mga nabanggit sa itaas:

* ugaliin nating mag-iiinom ng tubig (sa halip na softdrinks o iba pang mga inumin);
* magkakakain ng mga gulay gulay at mga sariwang prutas;
* kumilos kilos para gumalaw naman ang mga piyesa ng ating katawan;
* pakitanong na lang po sa duktor kung alin sa mga gamot na ipinabili niya ang nakaka-apekto sa ating normal na pagtae;
* maging masayahin dahil konektado raw ang ilang nerve sa ating bituka, maging masayahin ha? maging masayahin;
* huwag nang mag alak alak pa, sayang lang pati ang pera;
* bawasan ang pag inom ng gatas o pagkain sa mga pagkaing gawa sa gatas;
* kumilos kilos para gumalaw naman ang mga piyesa ng ating katawan (parang nasabi na rin ulit ito kanina);
* iwasan na ang mga processed foods gaya ng mga hotdog, mga sitsirya, atbp;
* ano pa nga ba?

Iniisip nyo na naman siguro yung naulit 'no? :-D Ngya hahahaha!

Konti lang naman talaga ang gusto naming sabihin, heto:

"May natural prebiotic po ang dahon ng Insulin Plant kaya ang pagkain nito ay nakagaganda sa ating bituka kaya naman hindi na mahihirapan sa pagtae."

Yun lang naman po talaga ang gusto naming sabihin. Makulit lang kasi talaga ang aming writer. :-D Alam nyo na po ba kung sino? (30)

© #LalakingIpis, 2019

"Sa Insulin Plant atbp, hindi lang puro benta ang  inaatupag, nagtatawid din ng natutunan."

#InsulinPlantAtbpEducates

Reference/s:
1) "What Not to Do When You’re Constipated", WebMD Medical Reference website, accessed - 2019/01/10 8:38AM

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part 3

By #InsulinPlantAtbp Habang inuubos itong tsaa na gawa sa dahon ng Insulin Plant, ituloy na natin ang pagtalakay sa kung paano gumawa ng o...