Monday, January 20, 2020

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part 2

By #InsulinPlantAtbp

Bago pa magkalimutan, itutuloy ko na po yung pagtalakay sa paggawa ng organic soil/fertilizer. Maglalaba pa ako mamaya e.

Dun sa naunang bahagi, inilatag ko na po ang composition o mga materyales o mga sangkap na kakailanganin sa paggawa ng organic fertilizer kaya di ko na uulitin ha? Hahaba na naman ulit ito e. Gusto ko nga sana, hangga't maaari, ay matapos ko na itong maituro sa inyo ngayon.

Dun po sa version na ginawa ko para sa aking garden, gumawa pa ako ng hukay. Bandang huli ay nagsisi ako dahil ang hirap pala maghalo kapag nakahukay ang compost. Dalawa kasi puwedeng pagpilian: compost pit o compost heap.

Compost pit, nakahukay nang bahagya ang mga binubulok; compost heap, walang hukay, pinagpapatong-patong lang ang mga sangkap hanggang mabulok.

Ganito ang paraan ng pagkakayari nung ginawa ko po noon:

@ humukay ako ng isang piye o 1 foot ang lalim;

@ unang layer ay yung mga maliliit na mga sanga-sanga o mga patpat-patpat (heto na naman yung sinasabi ko e, bakit ba naguulit-ulit ang aking mga sinasabi?), diniligan agad ng tubig, hindi nilunod;

@ second layer ay yung mga hilaw na mga dahon-dahon at mga damo-damo na pinagbubunot ko sa aking pagtatamnan, isinama ko na rin yung iba pang mga nabubulok na bagay gaya ng pinaggulayan, pinagbalatan ng mga prutas, atbp., dilig ulit;

@ third layer, ay yung mga tae ng manok o chicken manure, dilig na naman;

@ fourth layer ay yung mga tuyong mga dahon-dahon kasama na rin yung mga papel-papel na pinunit-punit na napagpupulot ko na ikinalat nung mga batang makukulit, dilig ulit;

@ fifth layer ay yung mga abo na galing sa kalang de-kahoy at mga sinalang abo galing sa pinagsunugan ng basu-basura, dilig na naman;

@ sixth layer ay yung mga green ulit o mga hilaw na mga dahon-dahon, dilig;

Image 1. Pagkatapos mailatag ang second batch ng green layer.

Ulit na lang sa hanay ng mga layer kung gusto pa ng mas maraming mai-produce na pataba, nasabi ko naman na kung paano ang pagkakasalansan.


Image 2. Tinakpan ko na ng lupa, napagod na ako e.

Sa case ko po, palibhasa napagod na ako nun, tinakpan ko na. Ang pinaka final na layer ay ang ordinaryong lupa. Tapos, tinakpan ko ng plastik na malaki para di kalaykayin ng mga manok na pasaway.

Image 3. Tinakpan ng plastik para di makalaykay ng mga pasaway na manok.

Hayun na. Hintay na lang na mabulok. After 30 days, hinalo ko siya, dun ako nahirapan, kung bakit pa kasi gumawa gawa pa ako ng hukay, ang hirap magpala. Pagkatapos mahalo, ibinalik ko yung takip na plastik. After mga 30 days pa ulit, nagamit ko na yung organic fertilizer na yun.

Image 4. Sample ng nagamitan ng organic soil/fertilizer

Ang haba na naman. Paano ko pa ituturo yung pang maliit na version? E di sa susunod na naman ang bagsak. Hay...

#LalakingIpis

(Una nang na-publish noong October 24, 2018 sa fb page ng Insulin Plant, atbp. - Tarlac)

* Paki-share po kung nakatulong ang article na ito.
** Paki-like na rin ang aming fanpage (fb.com/insulinplant.atbp) para patuloy na makatanggap ng mga updates. May iba pa pong mga babasahin na makikita rito, paki-halukay na lang konti, pagkabasa, huwag kukunin, ibalik ulit para mabasa rin nung iba.

No comments:

Post a Comment

COMPOSTING, PAGGAWA NG ORGANIC SOIL/FERTILIZER - Part 3

By #InsulinPlantAtbp Habang inuubos itong tsaa na gawa sa dahon ng Insulin Plant, ituloy na natin ang pagtalakay sa kung paano gumawa ng o...